“Pag-unlad ng mga Wika sa Bansa, Pag-unlad din ng Wikang Pambansa”
Sa panahon ngayon namulat tayo sa tunay na larawan ng kaunlaran. Ang kaunlaran ay nagbibigay ng mainam na pagbabago sa iba't ibang bahagi ng ating buhay tulad ng ating ekonomiya at wika. Ang wika ay isang mahalagang aspeto ng bawat kultura at bansa. Ito ang basehan na ginagamit ng lahat ng antas ng tao sa lipunang kinagagalawan. Ito ang bumubuklod sa mamamayang Pilipino sa Luzon, Visayas at Mindanao. Ang wika ang ginagamit natin tungo sa pambansang kaunlaran. Wikang ating kasangkapan sa pagkakaunawaan at pagkakaisa ng mga mamamayang Pilipino saan mang panig ng Pilipinas.
Ang pagkakaroon ng wika ay nagbibigay daan sa pagkakaisa ng mga mamamayan at nagbibigay tulong sa pag-unlad ng iba’t ibang aspeto sa isang bansa. Ayon sa aking pananaliksik, kung wala ang wika, walang saysay ang mundo. Ang wika ay may malaking epekto sa pagpapaunlad at pagpapatatag ng ekonomiya sa isang bansa. Ito ay isang instrumentong ginagamit sa ugnayan at transaksiyon ng bawat tao sa isang ekonomiya. Kung wala nito, magkakaroon ng hindi pagkakaunawaan at maaring humantong pa ito sa pagbagsak ng ekonomiya ng isang bansa. Ang sariling wika ay mahalaga at kinakailangan ng isang bansa sapagkat ito ang ginagamit sa pakikipag-ugnayan at pakikipag-talastasan ng bawat mamamayan. Ang ating bansa ay hindi lalago o uunlad kung ang mga tao ay hindi nagkakaisa o nagkakaintindihan. Kaya ito tinatawag na ang “Pag-unlad ng mga wika sa bansa, pag –unlad din ng wikang Pambansa”
